MANILA, Philippines – Matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes sa harap ng Filipino community sa Phl-China Trade and Invest Forum ang pakikipaghiwalay ng Pilipinas sa Amerika sa usaping militar at ekonomiya, sinabi naman nito sa pagbabalik sa bansa mula sa China na hindi na siya tatapak sa Amerika habang siya ay nabubuhay.
Kasabay nito, nilinaw ng Pangulo na magpapatuloy ang diplomatic ties ng Pilipinas at Amerika dahil kung puputulin ito ay magagalit ang mga Pilipino na naninirahan sa Amerika.
Bagaman at posibleng nagbibiro, sinabi ng Pangulo na baka patayin siya ng mga Filipino sa Amerika kapag tumapak siya sa nasabing bansa kung puputulin ang diplomatic ties.
Mismong ang Pangulo rin ang nagsabi na dapat mag-ingat sa paggamit ng salitang “separate o severed” sa usapin ng diplomatic relations sa Amerika.
“That’s why better be careful with the word ‘we separate or severed, severed our diplomatic relations.’ Second one is not feasible. Why? Because the Filipinos in the United States will kill me. That is why I am not going there, not in this lifetime. T…. ina inaabuso kasi tayo ng mga walang hiya,” pahayag ng Pangulo.
Samantala, ipinahiwatig ng Pangulo na hindi siya nag-aalala na maapektuhan ang BPOs o business process outsourcing ng Amerika sa Pilipinas na nakakapagbigay ng trabaho sa maraming Filipino.
“How about the Americans working for-- here also in the Philippines? If I should worry about the Filipinos, they should also about the Americans here and their investments,” ani Duterte.
Nauna rito, sinabi ng Pangulo na dapat ring hingan ng visa requirements ang mga American citizens na nais magtungo sa Pilipinas.
Post a Comment